Palasyo itinangging si Binay ang target sa Corona impeachment trial

Itinanggi ng Malacañang nitong Lunes na si Vice President Jejomar Binay ang tunay na target sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona.

“There’s no other hidden agenda here other than the President’s desire to reform the judiciary,” inihayag ni presidential spokesperson Edwin Lacierda sa isang press briefing.

Pinabulaanan ni Lacierda ang inihayag ni dating Press Secretary Rigoberto Tiglao sa kanyang column sa pahayagang Philippine Daily Inquirer na nais umano ni Aquino na matanggal si Corona sa Korte Suprema upang makuha ang kapangyarihan sa Presidential Electoral Tribunal, na pinamumunuan ng Chief Justice.

Sa kanyang column, inihayag ni Tiglao na kung matatanggal sa posisyon si Corona, matatakot na ma-impeach o mabatikos sa media ang iba pang mga hukom.

Magkakaroon umano ng kakayahan ang administrasyong pabilisin ang electoral protest na inihain ni Liberal Party vice presidential bet at ngayo’y Transportation Secretary Manuel Roxas II laban kay Binay noong 2010, at ideklarang panalo si Roxas.

Si Aquino ang national chairman ng Liberal Party.

Samantala, tumangging magkomento ang kampo ni Binay sa isyung ito.

"We would rather not comment on it. Thanks," ani Joey Salgado, spokesperson ni Binay, sa isang text message sa GMA News Online.

Text blast

Ayon kay Lacierda, kumalat umano sa text blast ang naging pahayag ni Tiglao.

“It started off with a text blast. The first time I saw… it was a text blast. I think Secretary Tiglao should not dignify any such statement,” aniya.

Para kay Lacierda, ang impeachment trial “is really primarily the fight, the crusade of the President in reforming the judiciary.”

Maliban sa pagsisilbi bilang Press Secretary ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, naging tagapagsalita rin siya ng dating pinuno.

Naging presidential chief of staff siya ni Arroyo noong 2002 at head ng Presidential Management Staff noong 2004.

Noong Oktubre 2005, hinirang siya ni Gng. Arroyo bilang Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary sa Hellenic Republic at sa Republic of Cyprus. — Amanda Fernandez/VS, GMA News

--

Get stories like this on the Yahoo app and discover more every day.
Download it now.
Loading...

Latest News