Quarantine pass, ‘di na kailangan sa GCQ maliban kung i-require ng LGU – DILG

Robie de Guzman

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi na kailangan ang pagpapakita ng quarantine pass sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ).

Sa isang pahayag ngayong Martes, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na maaari nang makalabas ng bahay kahit walang quarantine pass, maliban na lamang kung i-require ito ng mga local government unit (LGU) na nasa critical at buffer zones kaugnay ng novel coronavirus disease (COVID-19) crisis.

Binigyang-diin rin ni Año na hindi pa rin pinapayagan ang palagiang paglabas ng bahay dahil nasa community quarantine pa rin naman ang Metro Manila at malaking bahagi ng bansa.

“Hindi na po natin kailangan ng quarantine pass para payagang makalabas sa ating bahay pero hindi po ito ‘unli’ na kahit anong oras ay puwede,” ayon sa kalihim.

“Patuloy pa rin po ang pagpapatupad ng curfew hours ng ating mga LGU at puwede rin pong i-require ang quarantine pass ng mga LGU sa piling lugar sa kanilang nasasakupan,” dagdag pa niya.

Ayon sa DILG chief, maaaring i-require ng LGU ang quarantine pass lalo na sa mga barangay na itinuturing na ‘high-risk’ at mga lugar na ilalagay sa localized lockdown.

“May kapangyarihan pa rin ang mga LGU na magdeklara ng lockdown at humingi ng quarantine pass sa mga barangay o subdivision na sa tingin nila ay high-risk pa,” sabi ni Año.

“Dahil dito, inaatasan ang mga mayor na ipamalita sa kanilang social media o iba pang pamamahayag kung kailangan pa ng quarantine pass upang makapasok sa ilang lugar sa kanila,” dagdag pa niya.

Sa kabilang banda, nagpa-alala naman ang DILG na kailangan ng travel pass kung magtutungo sa ibang lalawigan, maliban na lang kung may kinalaman ang biyahe sa trabaho.

Maaaring kumuha ng travel pass sa mga help desk ng lokal na istasyon ng pulis basta’t magpapakita ng medical certificate mula sa health office ng lungsod o munisipyo.

“Kung tatawid ng provincial or regional borders, ibang usapan na po iyon at kailangan na ng travel pass d’yan. Nasa public health emergency pa rin tayo at kontrolado pa rin ng pamahalaan ang galaw ng mga tao para hindi kumalat ang virus,” ani DILG spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya.

“Para sa mga manggagawang kailangang tumawid ng lalawigan o rehiyon patungo sa kanilang pinagtatrabahuhan, dapat lamang na magpakita nila ang kanilang company ID o mga papeles na nagpapatunay na kailangan niya magbiyahe,” dagdag pa niya.

Nilinaw rin ng DILG na may random checkpoints pa rin sa Metro Manila at patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng security personnel sa regional at provincial borders.

“Depende sa discretion ng mga PNP commander, maaari nang bawasan ang mga fixed checkpoint at i-adjust ang mga mobile checkpoint,” aniya.

Mula noong Lunes, June 1, inilagay na sa GCQ ang Metro Manila at ilang lugar sa bansa sa kabila ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19.

Sa ilalim ng GCQ, mas maraming negosyo na ang pinayagang magbukas at mga manggagawang nagbalik-trabaho bagama’t limitado pa rin ang operasyon at kailangang nakakasunod sa minimum health standards.

Paliwanag ni Año, kinailangan nang luwagan ang quarantine restrictions upang makabangon ang ekonomiya ng bansa mula sa higit dalawang buwang enhanced community quarantine.

“Napinsala nang lubos ang ekonomiya ng ating bansa, maraming negosyo ang nagsara at ang mga kababayan natin ay nahihirapang itaguyod ang kanilang mga pamilya dahil nawalan sila ng hanapbuhay. Kailangan nating buksang muli ang kalakalan nang hindi naisasantabi ang mga health protocol upang malampasan natin ang pandemya,” dagdag pa niya.

Ayon sa kalihim ng DILG, ang pagluluwag sa quarantine sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa ay magbibigay-daan sa lubusang pagbubukas ng mga industriya, ngunit hindi pa rin balik sa normal ang lahat.

“Bagama’t magkakaroon ng pagluluwag, hindi ibig sabihin nito ay basta na lamang tayong makakalabas at makakagala. Aalamin pa rin natin kung ang dahilan ba ng inyong paglabas ay essential pa rin at hindi para mamasyal lang,” aniya.

Muli ring nakiusap ang DILG sa publiko na makipag-tulungan sa pamahalaan at sundin ang ipinatutupad na mga panuntunan dahil para din naman ito sa kapakanan ng publiko.

“Huwag po tayong magpabaya at magrelax. Sundin pa rin po natin ang health protocols na palagiang paghuhugas ng kamay, pagsuot ng mask at physical distancing. Ang iniiwasan po natin ay bumalik tayo sa square one at lumobo ulit ang mga kaso ng Covid-19,” ani Año.

The post Quarantine pass, ‘di na kailangan sa GCQ maliban kung i-require ng LGU – DILG appeared first on UNTV News.